Kotseng Walang Gulong
Marso 2008 nang grumaduate ako sa kolehiyo. Tandang tanda ko pa ang sarap ng pakiramdam na parang naakyat ko na ang tuktok ng Bundok Apo. Ngunit hindi pa rito natatapos ang lahat sapagkat kailangan kong mag-aral muli ng tatlong buwan para sa board exam. Pagsapit ng Hulyo, doon ko nabasa sa internet ang aking pangalan na isa sa mga nakapasa. Yahoo! Isa na akong rehistradong nars. At sa matinding kagalakan tila parang nalangoy ko naman ang ilalim ng Philippine Sea.
Sa aking matinding kasabikan na mapraktis na ang aking propesyon,agad akong pumasok bilang "nurse trainee" sa isang malaking ospital sa Quezon City. Sa sistemang ito,binabayaran ko ang ospital ng isang libo kada isang buwan na pamamalagi ko doon. Galing di ba? May libreng serbisyo na,may natatanggap pa silang bayad mula sa akin. Marami kasi kaming nars na palaging sinasabing dahilan ng mga ospital kaya hindi nila kami magawang regular. Pero ayos lang sa akin,suot ko naman ang uniporme kong puti. Makita lang ng lahat na isang akong nars ay masaya na ako.
Habang tumatagal,ang nararamdaman kong kasiyahan sa pagsusuot ng puti ay napalitan ng pagod at pagsisisi. Marahil ay pinagtatawanan ako ng marami dahil sa isa akong nars na dumagdag lang sa listahan ng mga taong hindi mabigyan ng trabaho ng gobyerno. Malamang kagaya ko,marami rin ang nakararamdam ng pagkamuhi sa sarili kung bakit nag-aral pa nga naman ng apat na taon para lang maging trainee. Biruin mo sa isang araw walong oras kang nakatayo,nagpapakain ng mga pasyenteng comatose,nagpapalit ng diaper (minsan pa nga ay may kasamang malatubig na yema) at nagmamasahe ng likod. Uuwi kang papalong palong tapos wala ka namang maiuuwing pera mula sa pawis na tumagtak mula sayo. Martir kung baga. Tumagal din ako ng walong buwan sa ganitong gawain.
Pagkatapos kong maging trainee, lumipat ako sa maliit na ospital bilang nurse volunteer naman. Dito naman eh magseserbisyo ka nang hindi ka binabayaran pero hindi ka rin magbabayad. Nagupgrade ako kahit papaano. Pagkalipas ng isang taon, hindi pa rin ako mapasok bilang regular kaya umalis ulit ako.
Ngayon, nakaupo ako at habang isinusulat ito,napaisip ako. Alam ko may dahilan bakit ako nilikha ng Diyos bilang isang Pilipino. Siyempre ang Pilipino eh para sa Pilipinas at ang Pilipinas eh para sa mga Pilipino. Ngunit bakit parang hindi mahal ng Pilipinas ang mga Pilipinong kagaya ko? Hindi ako nagtataka kung bakit maraming Nars ang umaalis dito. Paano mo nga naman papaunlarin ang sarili mong bansa kung ikaw mismo ay hindi matulungan ang sarili mo?
Mahirap na ang Pilipinas hindi dahil sa wala; kundi ang konting meron eh napupunta sa bulsa ng mga nakaupo na ayaw subukang tumayo. Sa kabilang banda,hindi dapat sa iba ibinabato ang sisi kung bakit nagkakaganito ang personal nating mga sitwasyon. Pinagkakasya ko kasi ang sarili ko sa isang maliit na kahon na pwede namang humanap ako ng mas malaki kung saan ako saktong makapapasok.
Habang sinusulat ko ang pagbagsak ko sa apply sa mga call center sa kadahilanang nars daw ako,at sa iba pang mga trabaho sa labas ng narsing,bigla kong tinanong ang sarili ko,"kailan kaya magsisimula ang totoong biyahe ng buhay ko?" Kasi hanggang ngayon nakasakay pa rin ako sa kotseng ngunit wala namang gulong. Pero nakalimutan ko,hindi pala ako ang drayber ng kotseng ito(kaya siguro hindi ako makausad). Bigla akong natuwa nang makita ko ang aking Bibliya. Marami akong nakalimutan na sa isang iglap eh naalala ko. Ang isip ko ay nakatuon lamang sa kung ano ang magiging buhay ko dito;sa mga bagay na nakikita na dapat sana ay sa mga hindi. Panandalian lang pala ang paninirahan ko dito sa lupa. Ang jeep na bibiyahe papuntang langit nga pala ay panghabambuhay kaya doon dapat ako sumakay at iyon din ang mas dapat kong paghandaan.
Ikaw,saan mo gustong sumakay? Naghahanda ka na ba papuntang langit o mas pipiliin mo dito at yakapin ang mga bagay na kayang ibigay sayo ng mundo?
Pineapple Express! Welcome sa mundo ng blogospero! Magandang akda! Magandang panimula. Mahusay na pagkukwento at malawak na obserbasyon. Ang Pilipinas at ang buong mundo, ay naghihirap. May naalala akong isang talata sa Bibliya na "Dahil sa bigat ng kasalanang kanyang pasan, ang sanlibutan ay tiyak na babagsak at hindi na babangon muli". Di masamang magkamal ng kayamanan dito sa lupa, kailangan natin yun. Ginagamit natin yun sa mga pang- araw araw na buhay. Pero mas makabuluhan kung kayamanang panlangit ang mas pagtuunan natin ng pansin.
Dun sa pagiging nurse mo, may mga bagay sa mundo na minsan maiisip mong parang unfair. Pero may dahilan lahat ng pangyayari. At Siya lang ang nakakaalam nun. Ginawa mo naman ang part mo, nag-train ka,nag-apply ka. Patuloy lang sa pamumuhay ng payapa at marangal. Magandang araw!