gravatar

Si Pearl sa Loob ng Shell

"Oiy nasaan na yung Patapon 3 na sabi mo ilalagay mo sa psp ko?(nomnomnom)",tanong ko kay Pearl habang kumakain ng Wafu. "Naku nasira ang psp ko tapos yung file sa memory card pati nga sa pc ko eh corrupted na. Navirus na naman ata," sagot naman ni Pearl. Hay naku, bakit ko nga pa ba siya tinanong? Alam ko naman na iyan ang isasagot niya. Kailan ba nagkatotoo ang mga sinabi niya?
Grade 3 ako nang makilala ko si Pearl,magkaklase kasi kami. Simula noon ay palagi na kaming magkasama sa kasiyahan at maging sa kalokohan. Masarap kasi siyang kasama,halos lahat kasi nakukwento niya. Marami rin kaming pagkakapareho kaya siguro magkasundong magkasundo kami sa halos lahat ng bagay. Teka ilalahad ko lang ng may kasamang numero para madali mong mabasa.
1. pareho kaming bunso
2. nag-aral kami sa iisang paaralan noong elementarya at hayskul.
3. iniwan ako ng aking nanay noong ako ay anim na taong gulang;siya naman ay ng kanyang tatay noong pito siya- mga lola namin ang nagpalaki samin.
4. mayroon akong pulang psp (ito ay isang electronic gadget na kasinlaki o mas maliit pa sa vhs tape na pwede mong lagyan ng mga laro,kanta at kung anu ano pa. maaari mong dalhin kung saan ka pupunta). Ito ang kaisa isang gadget na meron ako na nasa uso. Mayroon din daw nito si Pearl,pula rin daw ngunit hindi ko pa nakikita. Palagi niya lang nababanggit.

Ilan ang mga ito sa aming mga pagkakatugma. Kaya naman maraming pagkakataon na sa kanya ako lumalapit lalo na sa mga panahong gusto kong huminga mula sa sama ng loob;isa kasi siya sa mga nakakaintindi sa akin. Madali niya rin akong mapatawa lalo na yung kapag kakanta at magpipiyok piyukan. Gagawin niya lahat kahit minsan eh nagmunukha na siyang trying hard,basta mapatawa niya lang ako. Gayunpaman, may kakaibang ugali si Pearl na sadyang hindi ko maintindihan.

Nagsimula siyang maging kakaiba nang tumuntong kami sa kolehiyo. Dito sa Bulacan State University ko napiling mag-aral,malapit lang kasi sa bahay namin. Pinili ni Pearl na mag-aral sa Maynila. Gusto niya kasi matutong maging independent at saka pinayagan naman siya ng kanyang nanay. Noong una,linggo linggo umuuwi siya. Habang nagtagal ay naging buwan buwan na lang. Para kaming magkasintahan na matagal na hindi nagkausap kapag nagkikita kami. Noong una'y maganda ang kuwento niya tungkol sa Maynila. Madali raw pakisamahan ang mga tao, maraming pasyalan, iba't ibang lahi,klase at kulay ng tao ang makikilala at kung anu-ano pa. Ngunit habang tumatagal ay palagi niyang sinasabi na sana'y naging mayaman na lang siya para makasabay sa agos ng nasabing siyudad.

Masama ang loob ko hindi dahil sa Patapon 3,kundi ang dahilan kung bakit hindi niya masabi sa akin na wala naman siyang psp. Minsan pa nga noong ggraduate na ako, humihiram ako sa kanya ng pinagmamalaki niyang Mac foundation. Parang nabigla siya at nasabi na nahulog niya raw nang di sinasadya at biglang nabasag. Binalikan ko ng tanong,"akala ko ba yung mga mamahaling makeup eh hindi madaling mabasag?". "Oo pero matindi ang pagkakabagsak kaya gutay gutay na," sagot niya. Binili nga raw siya ng kotse ng nanay niya eh kaya lang nabangga raw sa Maynila kaya ayun nasa talyer. Samantala noong biglaan akong pumunta noon sa kanila para sorpresahin siya,nadinig ko sila ng nanay niya na nag-uusap na hindi siya kayang ibili ng laptop kasi marami pa silang gastusin. Kung laptop hindi siya mabili,kotse pa kaya? Iskolar kasi si Pearl at may Cap insurance siya kaya nakapag-aral sa Maynila.

Madalas siyang may nakakagalit dahil sa hindi pagtupad sa mga pangako. Naging matalim na rin ang dila niya sa pakikipag-usap marahil ay nahuhubaran siya sa mga pagkukunwari niya. Unti-unti siyang nilalayuan ng mga kakilala niya at kung hindi man eh nagpapanggap lang na mga orocan sa harap niya.

Hindi ko maunawaan kung bakit kailangan niyang magsuot ng maskara para lamang maging mabango ang kanyang pagkatao sa mga taong nakakahalubilo niya. Nasasaktan ako kasi ang pagkakaroon niya ng materyal na bagay ang naging sukatan niya ng pagiging mabango. At higit sa lahat, nadudurog ang puso ko dahil hindi ko ito masabi sa kanya. Mahal na mahal ko si Pearl bilang kapatid. Nalilimutan ko ang mga dapat kong sabihin kapag nakikita ko na siyang tumatawa, naririnig na nagpapatawa at tatawang kasabay nya. Kaya sinubukan kong gumawa ng bukas na liham.

"Mainit sa loob ng shell kaya hindi dapat nagkukubli sa maliit nitong mundo. Kung may mga dahilan ka man sa pagtatago sa loob nito, hindi yun sapat sapagkat binigyan ka ng Dios ng isip para maging malaya at piliin ang sa kung alam mo ay tama. Huwag kang umayon sa kung ano ang ididikta sayo ng paligid mo. Sarili mong mga paa ang ginagamit mo sa pagtayo;hindi ka pilay para alalayan ng iba. Magpakatotoo ka at lumipad na parang isang agila. Simulan mo nang lumabas dyan sa loob ng madilim mong shell."

Ngunit huli na ang lahat. "Pearl kumusta ka na?"
"Eto ayos naman. Katatapos ko lang magdrive ng kotse. Kahapon nga nagshopping ako eh,dami kong pinamili sa Mango,Anthology Event,Volcom at iba pa. Pumunta rin ako sa Embassy kagabi. Nakita ko dun iba't ibang artista,sila Marian,Anne Curtis. Nagsasawa na ko sa Macbook,nagtoshiba muna ako. "
"O,inumin mo na ang gamot mo."

Best Seller

TIMELINE

TRACK MY PROGRESS